Salapuddin, Hataman brothers itinurong utak sa Batasan blast

 Tinukoy kahapon ng isang alkalde na sina dating  Mindanao Deputy Speaker Gerry Salapuddin, Anak Mindanao partylist Rep. Mujiv Hataman at kapatid nitong si Jim ang utak ng pagsabog sa Ba­tasan complex noong Nobyembre 13 na  ikina­sawi ni  Basilan Rep  Wahab Akbar at 3 iba pa. Ito ang ibinulgar kaha­pon ni Ungkaya Pukan, Basilan Mayor Joel Ma­turan nang magtungo ito kahapon sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)- National Capital Region sa Camp Crame.

Ayon kay Maturan, nag­tungo ito sa CIDG upang bisitahin si Ikram Indama, ang isa sa mga naarestong miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na sina­sabing nasa likod ng pag­papasabog sa Batasan complex at dating driver ni Salapuddin sa loob ng tatlong taon.

Sinabi ni Maturan na si Ikram umano ay pinsan ng kaniyang Misis.

Sa kanyang pagbisita, inamin umano ni Ikram sa kanya na sina Salapuddin at magkapatid na Hataman ang utak ng pambobomba sa Batasan upang patayin si Akbar.

Aniya, sinabi ni Ikram na napagkasunduan nina Salapuddin at magkapatid na Hataman na paslangin si Akbar dahil na rin sa wala umano silang magagawa sa pulitika kung buhay ito na kilalang political warlord sa lalawigan ng Basilan.

Nagpulong umano ang tatlo noon at kinuha ang serbisyo nina Indama at Abu Jandal upang isagawa ang napagplanuhan.

Sinabi pa ni Maturan na maiyak-iyak umano si Ikram ng aminin nito ang  kanilang plano sa pagpatay kay Akbar. Ang planong patayin si Akbar  ay nabuo noon pang Agosto 2007.

Samantala, sinabi naman ni CIDG-NCR Chief Sr. Supt. Asher Dolina na hindi naman nagbigay ng affidavit sa CIDG si Matu­ran hinggil sa isiniwalat nito sa mga mamamahayag.

“Yun ay allegations pa lang naman niya. Private talk niya (Maturan) yun kay Ikram Indama nung visit niya,” ani Dolina.

Gayunman, pag-aara­lan umano ng legal team ng CIDG ang ginawang pagbubulgar ni Maturan.  (Joy Cantos)

Show comments