Isang Pinay ang nahatulanng mabitay matapos mapatunayang guilty sa pagpatay noong Setyembre 2007 sa isang Taiwanese dahil sa pera sa Kaoshiung, Taiwan.
Sa report na tinanggap kahapon ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Alberto Romulo, kinilala ang Pinay na si Armia Menecia Panaglima, 38.
Sa ibinabang desisyon ng Taiwan court noong Lunes, si Panaglima ay napatunayang guilty sa pagpaslang kay Chiu Mei-yun sa Kaoshiung habang inab suwelto naman ang Amerikanong boyfriend nito na di David Filion kaugnay ng kawalan ng matibay na ebidensya sa pagkakasangkot sa krimen.
Nabatid na si Panaglima ay empleyado sa Kaoshing bar at nangailangan ng pera matapos na masibak sa kaniyang trabaho doon.
Inimbitahan umano nito si Chiu, isang broker sa mga dayuhang guro na kakilala ni Filion, sa kaniyang apartment doon at hinihiraman ng pera ang nasabing Taiwanese. Nang tumanggi naman si Chiu na pahiramin ng pera ang nasabing Pinay na nauwi sa mainitang pagtatalo ay naging marahas ang akusado at tinalian ng lubid sa leeg ang biktima.
Hindi pa umano nakuntento ay pinagsasaksak pa ng kutsilyo ni Panaglima si Chiu at itinapon ang bangkay nito sa madilim na bahagi ng Kaoshiung kung saan ay nagawa nitong mag-withdraw ng NT$130,000 o $4,000 mula sa ATM card ng biktima.
Sina Panaglima at Filion ay kapwa inaresto ng pulisya pero pinawalang sala ang lalaki matapos aminin ng una na siya ang may kagagawan sa krimen habang wala ring nakuhang ebidensya sa kaniyang boyfriend.
Kasalukuyan namang nakikipag-ugnayan ang mga opisyal ng Embahada ng Pilipinas sa mga kinatawan ng pamahalaan ng nasabing bansa sa kaso ng bibitaying Pinay. (Joy Cantos)