Umaabot na sa 12 katao ang nasawi sa dalawang araw na hagupit ng bagyong Lando na nagdulot ng flashflood at landslides sa Bicol, Western at Central Visayas, Northern Mindanao at CARAGA Region.
Sa report ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), patuloy ang paglakas ng bagyong Lando habang tumatawid papuntang Sulu Sea diretso sa Northern Palawan.
Ngayong Miyerkoles ng umaga, si Lando ay inaasahang nasa layong 420 kilometro ng kanluran hilagang kanluran ng Puerto Princesa City
Dahil dito, signal number 2 sa Cuyo Island at Northern Palawan at signal number 1 sa Antique at nalalabing bahagi ng Palawan.
Samantala, isa na namang bagong tropical depression ang namataan ng Pagasa na nasa 1,350 kilometro silangan ng Visayas.
Kapag naging ganap na bagyo at pumasok sa Philippine territory, ito ay papangalanang Mina. (Angie dela Cruz/Joy Cantos)