Nagbanta na kahapon si Senator Alan Peter Caye tano, chairman ng Senate blue ribbon committee na ipapaaresto na nila si dating National Economic Development Authority (NEDA) head at kasalukuyang chairman ng Commission on Higher Education (CHED) Romulo Neri kung iisnabin pa rin nito ang hearing ngayon ng Senado.
Sinabi ni Cayetano na dapat nang dumalo si Neri sa pagpapatuloy ng hearing ng Senado kaugnay sa kontrobersiyal na National Broadband Network (NBN) deal sa pagitan ng gobyerno at ng ZTE Corp. ng China.
Kung hindi pa umano dadalo si Neri matapos padalhan ng subpoena ay ipapaaresto na nila ito.
Sinabi pa ni Cayetano na dapat tuparin ni Neri ang kanyang pangako na muling babalik sa Senado sa pagpapatuloy ng hearing matapos niyang ibunyeg na inalok siya ni dating Commission on Elections chairman Benjamin Abalos ng P200 milyon para paboran ang kontrata ng ZTE.
Matapos dumalo ng isang beses sa hearing ng Senado si Neri, hindi na ito muling bumalik kahit pinadalhan ng imbitasyon. (Malou Escudero)