Mga pulis bawal mamasko
Nagbabala kahapon si Philippine National Police Chief Director General Avelino Razon Jr. sa lahat ng pulis na parurusahan ang sinuman sa kanila na hihingi ng pamasko sa mga negosyante at publiko.
Inatasan ni Razon ang lahat ng kanyang regional directors at support unit commanders na paalalahanan ang lahat ng kanilang tauhan sa mahigpit na pagbabawal sa anumang uri ng paghingi ng pera o regalo ngayong Kapaskuhan.
Iginiit nito na anumang uri ng “solicitation” ay iligal at malinaw na paglabag sa “Anti-Graft and Corrupt Practices Law” na maaaring isampa laban sa sinumang mapatunayang lalabag dito.
Nagbabala rin si Razon sa patuloy na iligal na “bangketa operation” ng ilang tiwaling tauhan ng pulisya kung saan patuloy ang kotongan sa mga vendors sa mga bangketa at mga iligal na jeepney terminals sa Metro Manila.
Kaugnay nito, nagbabala rin ang pulisya sa mga peke o “hao shiao” na reporter na aarestuhin dahil sa talamak na pangongotong rin sa mga opis yal ng pulisya at ibang ahensya ng gobyerno.
Sinabi ni Razon na dapat matigil na ang pangongotong ng mga taong nagpapakilalang reporter ng diyaryo o istasyon ng radio na kung hindi mapagbibigyan ay nagbabanta pa na babanatan o susulat ng masama sa isang opisyal. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending