‘Oposisyon natutulog sa pansitan’

Oposisyon din ang literal na kumatay sa pina­kahuling impeachment na iniharap laban kay Pangu­long Arroyo.

Ayon kina House Majority Floor Leader, Rep. Pros­pero Nograles at  Congressman Edcel Lagman, “natu­tulog sa pansitan” ang mga grupong nagnanais ng magpa-impeach sa Pangulo kaya nagkaroon ng pagka­ka­taon si Atty. Ruel Pulido na maghain ng sarili niyang bersiyon.

Aminado rin si Justice Committee Chairman Rep. Mat Defensor na mas nag­karoon sana ng sustansiya ang mga alegasyon laban sa Pangulo kung seryoso ang mga taga-oposisyon na palakasin ang kaso.

“Ilang ulit nagpalabas ng statement ang oposis­yon na hindi na sila mag­haharap ng anumang impeachment case laban kay Mrs. Arroyo. At nang ma­lamam nilang nag-file si Pulido, nagkuku­mahog  sila  na  mag­bigay ng supplemental charges, hindi naman yata tama ‘yon,” sabi pa ni Defensor.

Kinuwestiyon din ng mga committee members ang pag-boykot ng minority congressmen na lalo uma­nong nagpakita ng totoong motibo na gusto lamang ng mga ito na lumakas ang kanilang propaganda at hindi ang kaso.

Gayunman, hinikayat din ni Nograles ang mga taga-oposisyon na tigilan na ang mga taktika laban sa administrasyon dahil hindi naman ito nakaka­kuha ng suporta mula sa mama­mayan, lalo na mula mismo sa kanilang hanay. (Butch Quejada)

Show comments