Isinasabit sa madugong pambobomba sa Batasan Pambansa si dating Basilan Rep. Gerry Salapuddin matapos matukoy na dating driver nito si Ikram Indama, ang isa sa tatlong nasakoteng Abu Sayyaf sa isang raid sa Payatas, Quezon City kamakalawa.
Gayunman sa kabila ng pagkakaaresto sa kaniyang driver, nilinaw ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Geary Barias na hindi pa nila ikinokonsidera bilang suspek o mastermind sa pambobomba si Salapuddin na kilalang karibal sa pulitika ng napatay na si Basilan Rep. Wahab Akbar.
Ayon kay Barias, hindi pa tiyak ang mga awtoridad kung pag-aari ni Salapuddin ang plate number “8” na para lamang sa mga Kongresista na nasamsam ng mga awtoridad sa safehouse.
“What we only have is a driver who was his driver before,” ani Barias.
Ipauubaya na niya sa mga imbestigador ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang desisyon kung ituturing na suspek si Salapuddin.
Samantala, naniniwala si Barias na maituturing na lutas na ang kaso sa Batasan blast sa pagkakadakip sa tatlong Abu Sayyaf, pero iginiit na mahalaga pa ring malaman ang partisipasyon sa kaso ng tatlong naaresto at kung sino ang mastermind sa krimen.
Si Indama at ang dalawa pa sa mga suspek na sina Khaidar Awnal at Adham Kusain ay sumasailalim ngayon sa tactical interrogation.
Napatay sa raid ang mga kasamahan nilang sina Parik Said alyas Abu Jandal, Redwan Indama at asawa nitong si Saing.
Sinabi ni Barias, lumitaw sa mga narekober na resibo, vehicle registration forms at deeds of sale na ang Abu Sayyaf ang nasa likod ng pambobomba.
“Yes, nalutas na. Kailangan natin malaman ang participation ng anim, kung sino ang triggerman,” pahayag ni Barias kaugnay ng tactical interrogation sa tatlo para mabatid kung mayroon pa ang mga itong kasabwat.
“If the three give us information, we will launch follow-up operations,” dagdag ni Barias.