Akbar target?

Posible umanong ang umiiral na ‘power struggle ‘ o agawan ng kapang­ya­rihan sa lalawigan ng Basilan ang motibo ng pambobomba sa Batasan Complex noong Martes ng gabi na ang pangunahing target ay ang isa sa apat na nasawi na si Rep. Wahab Akbar.

Sa isang radio interview, sinabi ni Isabela City Mayor Cherrylyn-Santos Akbar, pangalawang asa­wa ni Akbar na naniniwala siyang ang kaniyang asa­wa ang target ng pagsabog sa Batasan Complex da­hilan may nangyayari uma­nong ‘power struggle’ sa Basilan.

Aminado rin ito na may banta sa buhay ni Akbar pero tumanggi munang magbigay ng karagdagang detalye ukol dito.

Nag-isyu rin ng paha­yag ang pamahalaang panlalawigan ng Basilan sa pagsasabing ang pam­bobomba sa Batasan ay naglalayong patayin si Akbar kung saan ang mga kalaban nito sa pulitika ang hinihinala nilang mastermind.

Ayon kay Cris Puno, spokesman ng Basilan provincial capitol, matagal ng tangka ng mga kalaban ni Akbar na agawin rito ang kapangyarihan sa kanilang lalawigan.

Aniya, pursigido ang mga kalaban ni Akbar sa pulitika na tumanggi nitong tukuyin na ibagsak ito da­hilan hindi nila matanggap na kontrolado nito at ng dalawa sa tatlong asawa nito ang kapangyarihan sa Basilan.

Maliban kay Cherrilyn na alkalde ng Isabela City, ang unang asawa ni Akbar na si Jum ang humalili rito bilang gobernador ng Basilan.

Sa panig ni National Security Adviser Norberto Gonzales, sinabi nito na bago nangyari ang insi­dente ay nakatanggap sila ng intelligence report may dalawang linggo na ang nakalilipas na papaslangin si Akbar.

Hindi naman inaalis ang anggulo na maaring tinitira ngayon ng mga dating kasamahan sa maka­kaliwang grupo si Akbar matapos itong manumbalik sa pamahalaan at ma­ngako na siya mismo ang magpapasuko sa mga da­ting kasamahan.  (Joy Cantos)

Show comments