12 kinasuhan ng PASG sa oil smuggling
Inirekomenda ng Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) sa Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa 12 katao kabilang ang apat na empleyado ng Bureau of Customs kaugnay ng multi-milyong smuggling ng langis sa Subic Bay Freeport.
Ayon kay PASG Head Undersecretary Antonio “Bebot” A. Villar, Jr., ang pagsasampa ng reklamo ay batay sa isinagawang investigation ng PASG chief for operations at NBI Deputy Director Atty. Edmund Arugay kung saan napatunayang dinaya ng mga suspek ang pamahalaan sa pamamagitan ng hindi pagbabayad ng buwis.
Ang mga inirekomendang kasuhan ay sina Paul Co, chairman ng Oillink International Corp.; Esther Magleo, president ng Oillink; Janice Co, finance-import manager ng Oillink; Johnny Tan ng Oillink; Rolando Valeriano ng Trail Blazer Integrated Brokerage Corp.; Noel Aro ng RNN shipping and transport agency; Manuel Tan at Manuel de Guzman ng Marine inspection and testing services; Delia Morala Jose Bernas, Miguelito Legaspi at Julian Gabriel ng Bureau of Customs.
Sinabi ni Director Arugay, nagsabwatan ang mga suspek upang mapalusot at maging undervalue ang may 26,508.50 metric tons ng langis kung saan ay 12,657.41 lamang ang kanilang binayarang buwis nitong Pebrero 19 sa Subic Bay Freport.
“We will pursue this case to the hilt until all those behind this scam is unmasked and put where they rightfully belong—behind bars,” wika pa ni Usec. Villar. (Rudy Andal)
- Latest
- Trending