Plano ng pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) na agad kanselahin ang permit ng isang private emission test center (PETC) kapag napapatunayang lumabag sa batas at patakaran ng ahensiya sa emission program ng pamahalaan.
Ito ang sinabi ni LTO Chief Reynaldo Berroya hinggil sa patuloy na modus operandi ng ilang tiwaling PETC sa pagsasagawa ng non-appearance sa mga irerehistrong sasakyan.
Sa kasalukuyan, kahit pa dumadaan sa web cam o litrato ang mga sasakyan na irerehistro sa LTO, may nakakalusot pa rin at nag sasagawa ng non-appearance dahil sa kutsabahan ng PETC at ng IT provider nito.
Sa kasalukuyan, tanging suspension ang naipaparusa ng LTO sa mga nahuhuling nagsasagawa ng non-appearance at multang P30,000 kada violation.
May 45 PETCs sa ngayon ang iniimbestigahan ng LTO committee para dito.
Unang napatunayan ng LTO ang 18 PETCs na nagsasagawa ng “non appearance” sa emission test sa sasakyan sa pamamagitan ng pag-”crop” ng litrato ng sasakyan at paggamit ng isang sasakyan lamang pero pinapalitan ang plate number ng irerehistrong sasakyan.
Sa mga PETC na ito, hindi na dinadala ang sasakyan sa emission test center para sa emission test. Sa halagang P700, maaari ng magbigay ng emission test certificate ang tiwaling PETC at IT provider sa isang car owner na mausok ang sasakyan. (Angie dela Cruz)