Sinimulan na kahapon ng Sandiganbayan ang pagpapatupad sa naipalabas nitong writ of execution para kumpiskahin ang mga ari-arian ni dating Pangulong Joseph Estrada pabor sa pamahalaan.
Ang hakbang ay ginawa ng anti-graft court upang unti-unti nang mapasakamay ng pamahalaan ang may P735 million bank deposits kasama na ang kita at interes dito, gayundin ang P545-million Jose Velarde account at ang P200-million account na nakapangalan sa Erap Muslim Youth Foundation.
Ang writ of execution na naipalabas noong Nobyembre 6 ay nagsasaad din ng pagkumpiska sa Boracay Mansion sa New Manila, Quezon City.
Nilinaw ng Sandiganbayan na ang limang araw na deadline kay Estrada para boluntaryong isuko ang bank deposits at Boracay Mansion ay paso na noong nakaraang Lunes kaya ito ang nag-udyok sa kanila para mapasimulan na ang pagkumpiska sa mga asset ni Estrada.
Nilinaw ng Sandiganbayan na sisimulan nila ang pagkumpiska sa mga ari-arian ni Erap na nakatala sa pinakahuling statement of assets and liabilities nito kabilang na ang kanyang mga bahay, mamahaling sasakyan at furnitures. Kasama sa mga nakalistang bahay ni Erap ang mamahaling bahay sa Cubao, Quezon City.
Personal na ring hiningi ng Sandiganbayan ang tulong ni LTO Chief Reynaldo Berroya para hingin ang tulong nito kaugnay sa sinasabing apat na SUVs na nakapangalan kay Estrada.
Samantala, binalaan naman ni Estrada sa pamamagitan ni Atty. Jose Flaminiano si Sandiganbayan Sheriff Ed Urieta hinggil sa gagawing pagkumpiska sa mga assets ni Erap dahil may pending petition sa Sandiganbayan hinggil sa usapin ng writ of execution.
Noong Nobyembre 9, nagsampa ang kampo ni Estrada ng motion to quash hinggil sa writ of execution at hiniling ng mga ito sa anti-graft court na huwag munang kumpiskahin ang asset ni Erap na patuloy pa ring kinukuwestyon noong panahon ng kanyang anim na taong plunder trial.
Sinabi naman ni Urieta na kahit na walang temporary restraining order mula Korte Suprema, ang Sandiganbayan ay patuloy na kikilos para kumpiskahin ang mga ari-arian ng dating pangulo.