May diabetes sa Pilipinas, aabot sa 15 milyon sa 2010
Maituturing nang isang malaking problema ng mga Pinoy ang sakit na diabetes dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nagkakaroon nito na tinatayang aabot sa 15 milyon pagsapit ng 2010.
Ito ang naging babala kahapon ni Sen. Edgardo Angara Jr. kasabay ang pangakong maglalaan ang kanyang tanggapan ng P500,000 taun-taon sa susunod na limang taon para sa pagpapalaganap ng impormasyon kung paano makakaiwas sa nasabing sakit.
Ayon kay Angara, ang napakababang diabetes awareness ang isa sa mga dahilan kung bakit patuloy na tumataas ang bilang ng mga may diabetes sa bansa.
Kabilang umano sa tinatamaan ng nasabing sakit na maituturing na “silent killer “ay ang mga bata.
Sinabi pa ni Angara na kung 12 milyon sa mga Pinoy ang may sakit na diabetes sa kasalukuyan, kalahati sa mga ito o anim na milyon ang hindi nakakaalam na nagtataglay sila ng nasabing sakit dahil hindi sila nagpapakonsulta sa doctor.
Ang Pilipinas ang ika-10 sa mga bansa sa buong mundo na may pinakamataas na diabetes incidence.
Idinagdag ni Angara na sa kasalukuyan, tatlo sa apat na batang Pinoy na may edad na 0-10 years, at 4 sa 6 na adolescent ay overweight. Ang obesity at overweight umano ay nagreresulta sa pagkakaroon ng sakit na diabetes, heart disease, stroke, and high blood pressure, at iba pa. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending