Total ban sa paputok, giit ng DOH

Nanawagan kahapon si Health Secretary Francisco Duque na tuluyang ipagbawal ang paggamit ng lahat ng uri ng paputok upang maiwasan ang mga naaak­sidente o nasasawi dahil sa paggamit nito.

Sinabi ni Sec. Duque, bagama’t pinapayagan sa ilalim ng RA 7183 ang ilang “legal” na firecrackers tulad ng kwitis at 5 star ay kalimitang naaaksidente pa rin ang gumagamit nito.

Ayon kay Duque, dapat amyendahan ang nasabing batas upang tuluyang ipagbawal ang paggamit ng paputok para maiwasan na rin ang aksidente sa tuwing sasapit ang Kapaskuhan at Bagong Taon.

Sa data ng Department of Health noong Disyembre 21, 2006 hanggang Enero 5, 2007 ay lumilitaw na umabot sa 1,306 ang fireworks-related injuries dahil sa paggamit ng kwitis, 5 star at watusi.

Nais din ng DOH na i-ban ang paggamit ng tinaguriang “boga” na gawa sa PVC pipe cannon dahil kalimitang naaaksidente din ang mga gumagamit nito.  (Rudy Andal at Grace Dela Cruz)

Show comments