Saguisag nais makita ang burol ng asawa

Isang mensahe at kahilingan lamang umano ang naging tugon ni ex-senator at Atty. Rene Saguisag nang ipaabot sa kaalaman nito ng  kanyang anak na si Atty. Rebo Saguisag ang pagkasawi ng ina ng kanilang tahanan na si Gng. Dulce Saguisag.

Sa panayam ng PSN/PM sa batang Saguisag, sinabi nito matapos marinig ng kanyang ama ang nasabing balita ay gusto na umano ng dating senador na lumabas na ng ospital para makita ang nakaburol na misis.

“Isang mensahe lang ang ipinahiwatig ng aming ama, gusto niya makita ang aming ina at ngayon pa lang ay gusto na niyang lumabas na ng ospital para dito,”pahayag pa ni Atty. Rebo.

Bagama’t hindi umano nakitaan ng anumang luha si Atty. Saguisag nang marinig ang kalunos-lunos na sinapit ng kanyang misis ay banaag naman sa kanyang mukha ang labis na kalungkutan.

Hindi naman masasabi sa ngayon ni Atty. Rebo kung papahintulutan ng mga doktor ng Makati Medical Center (MMC) na makalabas para makita ni Atty. Saguisag ang misis na nakaburol o pahihintulutan din ito na makadalo sa libing ng kanyang ina ngayong Biyernes, November 16 sa Manila Memorial Park sa Paranaque City.

 Ayon pa kay Atty. Rebo na kasama niya ang mga doktor na umaasikaso kay Atty. Saguisag nang sabihin niya sa kanyang ama ang sinapit ng kanyang ina.

Kinumpirma naman ni Atty. Rebo na tumaas sandali ang blood pressure ng ama nang marinig ang balita subalit agad naman itong naagapan ng kanyang mga doctor. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments