Saguisag nasa ICU pa rin
Bahagyang bumuti ang kundisyon ni Atty. Rene Saguisag na nanatili pa ring nasa intensive care unit (ICU) ng Makati Medical Center (MMC).
Base sa pinakahuling medical bulletin na inilabas kahapon ni Dr. Eric Nubla, spokesman ng MMC, nakakakilala na sa mga dumadalaw na kamag-anak at kaibigan si Saguisag.
Nilinaw naman ni Nubla na hindi pa rin umano tuluyang nakakapagsalita si Saguisag bagama’t nagigising na ito. Bilang tanda na kilala umano ni Saguisag ang mga bumibisita sa kanya ay sa pamamagitan ng pagtugon nito ng ngiti at pagsulat.
Magugunita na sa naunang pahayag ng MMC kamakalawa, nakaranas umano ng “severe trauma” injuries si Saguisag sa kanyang ulo at dibdib.
Samantala, si Felipe Calvario naman na driver ni Saguisag ay idineklara kahapon ng manggagamot na “neurologically stable”.
Sa kabila nito, nabatid na kinakailangang sumailalim sa operasyon sa lalong madaling panahon si Calvario. Patuloy ding nakakabit ang isang tubo sa dibdib ni Calvario na tumutulong sa kanyang paghinga.
Kahapon ay sinampahan na rin sa korte ng Makati ng mga kasong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injuries and damage to property si Manuel Geronimo, ang driver ng dump truck na umararo sa van ng mag-asawang Saguisag nitong Huwebes ng madaling araw sa Makati.
Samantala, dinala na sa kapilya ng St. Scholastica’s College sa Leon Guinto, Maynila ang mga labi ni Gng. Saguisag.
Nakayanan at nakaligtas si Dulce Saguisag, 64 sa breast cancer pero nagtapos ang buhay sa isang malagim na aksidente kaya naman ganoon na lang ang pagkagulat at pagkalungkot ng mga naulila niya na unti-unti nang dumating sa kung saan siya ibinuburol.
Sinariwa nila ang mga alaala ni Mrs. Saguisag bilang isang mabuting ina, masigasig na dating Department of Social Welfare and Development secretary noong panahon ni pangulong Joseph Estrada at matapang na breast cancer survivor.
Sa St. Scholastica siya nag-aral simula pre school, nagtapos ng grade school noong taong 1954 at high school noong taong 1959. Nitong Huwebes, nagdaos ng prayer service ang mga madre at mga opisyal ng paaralan.
Pinayagan ang mga miyembro ng media na makapasok sa kapilya at binigyan ng 10 minuto para kumuha ng video.
Wala rin munang interview para mabigyan ng privacy ang pamilya sa oras ng kanilang pagdadalamhati.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin alam ni Atty. Saguisag na wala na ang kanyang asawa.
“Last dance”
Labis ding nagdalamhati ang mga dance instructors ng mag-asa wang Saguisag sa Bykes Cafe na suki at paboritong ballroom dancing bar ng mag-asawa.
Sa panayam kay Vic Castillo, bago pa man umano nangyari ang nasabing trahedya ay nakitaan na nila ng mga pahiwatig si Gng. Saguisag.
Sinabi pa ni Castillo na ayaw pa sana umanong umuwi noon ni Gng. Saguisag at bago umano tuluyang nilisan ng mag-asawa ang nasabing bar ay nag-aya pa ito ng sayaw kay Atty. Saguisag.
Boogie umano ang hiniling ni Gng. Saguisag na isayaw nilang mag-asawa na ikinagulat naman nina Castillo dahil ang sayaw na boogie ay hindi gaanong isinasayaw ng mag-asawa. Lingid sa kaalaman ng lahat ay magsisilbing “last dance” na pala nila ito.
Bago din umano tuluyang nagpaalam ang mag-asawa ay sobrang lungkot sa mukha ang nakita ng mga instructors kay Gng. Saguisag na taliwas sa pagiging palangiti at malimit na pagiging masayahin ng ginang.
- Latest
- Trending