Bedol wala na sa ‘Pinas
Posible umanong nakalabas na ng bansa ang wanted at kontrobersyal na si dating Maguindanao Election Supervisor Lintang Bedol.
Ayon sa isang opisyal ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), maaaring wala na sa bansa si Bedol bago pa man maipalabas ang arrest warrant laban dito.
“Walang palatandaan na narito pa sa bansa si Bedol, baka nakatakas na talaga siya,” ayon sa opisyal matapos na mabigo silang madakip ang dating opisyal sa mga lugar na posible nitong pagtaguan.
Nitong Huwebes ay inilagay na ng Bureau of Immigration sa hold departure order si Bedol.
Inalerto na rin ni Immigration Commissioner Marcelino Libanan ang lahat ng immigration agents na nakatalaga sa mga pangunahing paliparan ng bansa partikular ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na tiyaking hindi makakalabas ng Pilipinas ang dating opisyal.
Ang larawan ni Bedol ay ipinakalat sa mga immigration departure counter upang madali itong makilala ng mga immigration at police personnel sa mga paliparan ng bansa.
Si Bedol ay pinatawan ng pagkakakulong ng anim na buwan at pinagmumulta ng P1,000 dahil sa kasong indirect contempt dahilan sa ilang ulit na pag-isnab sa mga patawag ng komisyon kaugnay ng sinasabing pagkakasangkot nito sa malawakang dayaan noong May 14 eleksyon. (Joy Cantos/Ellen Fernando)
- Latest
- Trending