Mga residente sa Caloocan pinag-iingat sa maruming tubig

Binalaan kahapon ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang mga residente ng lungsod na mag-ingat sa mga sakit na dala ng maruming tubig at kontaminadong pagkain.

Ayon kay Echiverri, ang mga sakit na tulad ng Hepatitis A, Leptospirosis, at Typhoid Fever ay maaaring makuha kapag na-expose ang residente sa anumang maruming pagkain at tubig.

Aniya, naging kapansin-pansin ang bahagyang pagtaas sa kaso ng Hepatitis A, na batay sa pinakahuling report ni City Health Officer Dr. Raquel So-Sayo ay umabot sa 15 kaso ngayong taon mula sa dating apat nitong nakaraang taon.

Ang Hepatitis A ay sakit sa atay na sanhi ng isang virus na kadalasang naililipat sa mga kontaminadong pagkain at inumin.

Sinabi ni Echiverri na kahit mababa pa rin ang bilang ng mga residenteng may ganitong uri ng karamdaman, ay mas makabubuting mapababa pa lalo ang bilang nito sa pamamagitan ng ibayo pang pag-iingat. 

Kaugnay nito, nagtala rin ang Caloocan Health Department ng apat na kaso ng sakit na Leptospirosis mula sa ihi at dumi ng daga na kadalasa’y pumapasok sa mga bukas na sugat sa katawan sa panahon ng pagbaha.

Show comments