Nakahanda ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) na tumulong sa mga elemento ng pulisya sa pagtugis sa ngayo’y wanted na at nagtatago sa batas na si dating Maguindanao Election supervisor Lintang Bedol.
Sinabi ni MILF spokesman Eid Kabalu, anumang oras ay handa silang arestuhin si Bedol kung saan ay hinihintay na lamang nila ang go signal ng pamahalaan sa Coordinating Committee on Cessation of Hostilities.
Nilinaw naman ni Ka balu na magsisilbi lamang silang suporta sa operasyon ng pulisya at hindi sila ang mangunguna sa pag-aresto kay Bedol.
Ikinagalak naman ni ARMM Police Director Chief Supt. Joel Goltiao ang nasabing inisyatibo ng MILF dahilan malaking tulong ito para sa agarang pag-aresto sa tinutugis na opisyal ng komisyon.
Gayunman, sinabi ni Goltiao na Comelec pa rin ang magdedesisyon kung papayagan nito ang MILF rebels na tumulong sa kanilang isasagawang operasyon. (Joy Cantos)