Dumanas ng katakut-takot na sabon at sermon si Department of Finance (DoF) Sec. Margarito Teves mula kay Senador Juan Ponce Enrile hinggil sa isyu ng ginawang pagbabawas sa buwis ng Pall Mall cigarettes na isa umanong malaking kawalan para sa revenues ng bansa.
Ani Enrile, ngayon lamang siya nakakita sa sistema ng pagbubuwis na sa halip isipin ang kapakanan ng kabang bayan ay mistulang ang pinapanigan pa ay isang multi-national company tulad ng British American Tobacco, manufacturer ng Pall Mall. Sinasabing ang dating P26 buwis per kaha ay ginawang P6 na lamang.
“Niloloko lang tayo ng British American Tobacco (BAT) na iyan!” ani Enrile bago matapos ang mahigit sa dalawang oras na committee hearing kahapon para sa fiscal budget sa DoF.
Iritado ang mambabatas kung bakit hanggang ngayon ay hindi maipaliwanag ng maayos ni Teves kung paano nangyari na parang pinapaboran pa ng mga ito ang kompanya ng sigarilyo ng bansa.
Nakasaad sa sin taxes ng bansa na ang bawat sigarilyo at alak, particular na iyong mga imported ay may karampatan o mas mataas na buwis.
Nang hingan ng paliwanag, nakiusap si Teves na sa susunod na hearing na lamang niya ipapaliwanag ang tungkol sa isyu ng Pall Mall.
Tumanggi munang magkomento ang beteranong mambabatas kung may dapat bang papanagutin sa batas si Teves sakaling mapatunayan na mas pinaboran nito ang kompanya ng isang banyaga para lamang mapababa ang bayarin sa buwis.