Magsasampa ng panibagong impeachment complaint ang iba’t-ibang people’s organization at human rights group sa susunod na linggo, ito’y matapos ibasura ng Kamara ang dalawang impeachment na isinampa nina Iloilo Vice Gov. Rolex Suplico at Atty. Adel Tamano na magpapalakas sana sa inihaing reklamo ni Atty. Roel Pulido laban kay Pangulong Arroyo.
Ayon kay Bayan Muna Rep. Teddy Casino, ang ginawang pagsauli ni House Secretaruy General Roberto Nazareno at ng House Committee on Justice ng dalawang supplemental complaint sa pinanggalingan nito ay nagpalakas lamang sa hanay nila para muling mag-endorso ng mas malakas at bagong impeachment complaint laban sa Pangulo.
Sinabi ni Sen. Francis Escudero dapat na idinaan ito sa botohan sa committee on justice hindi sa desisyon lamang ng chairman nito dahil ito ang nakasaad naman sa alituntunin ng Kamara.
Nagbabala naman si Escudero na hindi pa nakakatiyak si House Speaker Jose de Venecia sa kanyang pwesto sa kabila ng pagbati nila ni Arroyo.
Aniya, pwedeng gantihan si de Venecia ng oposisyon dahil sa pagbasura nito sa impeachment complaint laban sa Pangulo. (Butch Quejada/Malou Escudero)