Lalo pang lumakas ang bagyong Kabayan na inaasahan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na lalapag sa lalawigan ng Aurora at Isabela ngayong araw.
Nabatid na taglay ngayon ng bagyo ang lakas ng hangin na 95kph mula sa gitna at may pagkilos ng hanggang 120kph. Patungo ito sa direksyong Kanluran Timog kanluran sa bilis na 19kph.
Inaasahan na lumapag sa kalupaan ang bagyo kagabi sa Aurora at nasa 40 kilometro ng Dagupan City ngayong umaga. Posible naman na makalabas ng Pilipinas sa Miyerkules ang bagyo na maaaring nasa South China Sea na.
Nakataas ngayon ang signal no. 2 sa mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Quirino at Aurora. Signal no. 1 naman sa mga lalawigan ng Kalinga, Apayao, Ifugao, Mt. Province, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Abra, La Union, Pangasinan, Nueva Vizcaya, Nueva Ecija, Quezon, at Polilio Island.
Inaasahan na makakaranas ng malalakas na hampas na alon ang mga karagatan na nakataas ang storm signal 1 at 2 habang pinaalalahanan ang mga nakatira sa mababang lugar at nasa bundok na mag-ingat sa posibleng landslides at flashfloods. Patuloy rin naman na makakaranas ng malakas na hangin ang Batanes group of Island at Babuyan Islands. (Danilo Garcia)