Walang holiday sa Land Transportation Office (LTO) para hulihin ang mga colorum vehicles na nananamantala na pumasada para maghatid-sundo sa mga pasaherong uuwi sa mga probinsiya ngayong Undas.
Ayon kay Engr. Fernando Quiambao, special executive asst. ni LTO Chief Reynaldo Berroya, kahit na ipinagdiriwang ng bansa ang Undas, tuloy pa rin ang operasyon ng kanilang mga enforcers para hulihin ang mga colorum vehicles.
Ito ay bunsod na rin ng mga reklamo sa ahensiya at mga report na maraming bilang ng mga colorum vehicles ay nananamantala sa kanilang pamamasada dahil sa bugso ng mga pasahero na uuwi sa kanilang mga destinasyon sa mga lalawigan.
Nilinaw ni Quiambao na hindi dapat sumakay ang mga pasahero sa mga colorum vehicles dahil unang unang hindi dumaan sa road safety worthines ang mga sasakyang ito kayat walang katiyakan na ligtas ang mga sakay nito laluna sa mahabang biyahe.
Wala din anyang insurance claims na maaaring matanggap ang mga pasahero nito sakaling mabulid sa anumang aksidente ang colorum na sasakyan.
Niliwanag ni Quiambao na ang operasyon ngayong Undas ay ginawa upang maprotektahan ang mamamayan mula sa mga mapagsamantalang operators ng mga colorum na sasakyan.
Hiniling nito sa mga colorum vehicle owners na huwag nang gamiting pamasada ang mga sasakyan kung ayaw mahuli ng mga elemento ng LTO. (Angie dela Cruz)