Schools na makakakuha ng ‘zero performance’ sa board exams, ipapasara
Upang lalong tumaas ang kalidad ng edukasyon sa bansa, ihinain ni Senate President Manuel Villar ang panukalang batas na naglalayong ipasara at tanggalan ng lisensiya ang mga colleges at univer sities na makakakuha ng “zero performance” sa mga board exams.
Sa kanyang Senate Bill 1695 o “Professional examination zero performance policy act”, sinabi ni Villar na marami sa mga eskuwelahan sa bansa ang humina ang kalidad ng edukasyon at hindi kayang magkaroon ng mga estudyanteng pumapasa sa board examinations.
Sinabi pa nito na marami nang estudyante sa bansa ang nagiging produkto ng “diploma mills” kung saan nagtatapos ang mga estudyante nang walang alam.
Makikita rin umano ang husay ng isang eskuwelahan sa dami ng mga estudyanteng nagtapos na pumapasa sa board examinations.
Nais ni Villar na kanselahin ng CHED ang permit ng mga eskuwelahan na tatlong beses na makakapagrehistro ng “zero-performance” sa anumang professional at board examination sa loob ng limang beses na pag susulit. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending