24-oras ultimatum para arestuhin si Bedol
Binigyan ng Commission on Elections (Comelec) ng 24-oras na ultimatum si Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Police Regional Director Police Supt. Joel Goltiao upang arestuhin si dating Maguindanao Provincial Election Supervisor (PES) Atty. Lintang Bedol.
Nabatid sa Comelec na Oktubre 22 pa nang ipalabas ng Comelec Law Department ang warrant of arrest laban kay Bedol kaya’t hindi nila maintindihan kung bakit hanggang sa kasalukuyan ay bigo pa rin si Goltiao na arestuhin ito.
Kung patuloy umanong mabibigo si Goltiao na sundin ang kanilang kautusan ay maaaring ipagharap din ito ng kasong contempt.
Kumbinsido ang mga opisyal ng Comelec na hindi pa nakalalayo sa ARMM si Bedol kaya hindi mahihirapan sina Goltiao na dakpin ito.
Si Bedol ay pinatawan ng anim na buwang pagkabilanggo ng Comelec sa kasong indirect contempt matapos na hindi siputin ang ginagawang hearing ng komisyon hinggil sa dayaan sa kanyang nasasakupang lalawigan. (Doris Franche)
- Latest
- Trending