‘Gas explosion hindi bomba sa Glorietta’
Kinumpirma kahapon ng pulisya na inaalis na ng pamahalaan ang anggulong terorismo o pambobomba sa Glorietta 2 mall sa Makati City na ikinamatay ng 11 katao at pagkasugat naman ng mahigit sa 100 pa.
Ayon kay PNP chief, Director Gen. Avelino Razon base sa inisyal na findings ng US at Australian experts ay malinaw na isang uri ng ‘accidental gas explosion’ at hindi bomba na gawa ng mga terorista ang pagsabog tulad ng mga naunang espekulasyon.
Inihayag ni Razon na ang pagsabog ay sanhi ng sumingaw na methane gas na humalo sa diesel fuel na naghanap ng malalabasan.
Ang kakapusan umano sa ventilation ng basement ang nagpagrabe pa sa pagsabog.
Base sa report ng Federal Bureau of Investigation ng US at ng Australian Federal Police ang insidente ay tumutukoy rin sa teorya ng PNP na isa itong uri ng “accidental gas explosion’ na naghihintay lamang na maganap o tuluyang sumambulat.
Kahapon ay nangako si SPD Director Chief Supt. Luizo Ticman na sa kaunting panahon na lang ay ilalabas na nila sa publiko ang kumpletong resulta ng isinagawang imbestigasyon sa Glorietta 2 blast. (Joy Cantos/Rose Tesoro)
- Latest
- Trending