Petisyon ng PCGG vs Tan ibinasura
Dinismis ng Korte Suprema ang petisyon ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) para mapawalang-bisa ang isang subpoena na naglalayong masilip ang sequestration documents kaugnay sa shares ng business tycoon na si Lucio Tan sa Allied Banking Corporation.
Sa 7-pahinang desisyon, iginiit ng Mataas na Hukuman na hindi maaaring balewalain ng PCGG ang subpoena ad testificandum at duces tecum na inilabas ng Sandiganbayan kaugnay sa pagdinig sa kasong pagpapawalang-bisa sa Sequestration Order sa naturang Allied Banking shares.
Sa kabila nito ay nag matigas pa rin ang PCGG at sinabing maari nilang hindi kilalanin ang nasabing subpoena alinsunod sa Section 4 (b) ng Executive Order No. 1 na nagsasaad na maari silang hindi tumestigo at maglabas ng ebidensya sa anumang pagdinig na may kinalaman sa mga kasong nasa kanilang hurisdiksyon.
Ipinaliwanag naman ng Mataas na Hukuman na ang nasabing probisyon ay nilusaw na sa pamamagitan ng 1987 Constitution, partikular sa probisyon na nagbibigay ng kapangyarihan sa Kongreso na magsagawa ng inquiry at sa probisyon ukol sa public accountability, policy of full disclosure at right to public information. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending