Senado ginagamit ni JdV III - Bagatsing
“Huwag magpagamit kay Joey de Venecia.”
Ito ang panawagan ni Manila Rep. Amado Bagatsing na nagpahayag ng pagkadismaya sa aniya’y pagpayag ng Senado na magamit ito ng anak ni Speaker Jose de Venecia Jr. sa pagdawit kay Pangulong Arroyo sa kontrobersyal na national broadband network (NBN) project.
Ayon kay Bagatsing, kung may napatunayan man ang pagpapatuloy ng Senate NBN hearing ito ay ang “serious credibility problem” ni de Venecia.
“The bottom line is that people have consistently disowned statements attributed to them by the son of Speaker Jose de Venecia Jr.,” ani Bagatsing.
Ginawang halimbawa ni Bagatsing ang pag papabulaan na ginawa ni Secretary Romulo Neri sa pahayag ni de Venecia na umano’y tinanong ng Pangulo si Neri kung bakit di niya tinanggap ang alok na suhol daw ng noo’y Comelec chairman na si Benjamin Abalos. Sa kuwento ni JDV III, ang isinagot umano ni Neri sa Pangulo ay “hindi daw siya ganoong klaseng tao para tumanggap ng suhol.” Sa isang text message, sinabi ni Neri na kasinungalingan ang kwento ni De Venecia.
Pinansin rin ni Bagatsing ang denial ni retired Lt. Gen. Jaime delos Santos sa pahayag ni de Venecia sa Makati police na siya (delos Santos) umano ang source ng impormasyon na may plano sina ex-generals Leandro Mendoza, Reynaldo Berroya at Ricardo Dapat na ipapatay si de Venecia.
Sinabi ni Bagatsing na kina-career na ni de Venecia ang paglalagay ng salita sa bibig ng ibang mga tao. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending