Lumantad kahapon ang isang lady governor upang magpaliwanag at pabulaanan ang napabalitang panunuhol ng administrasyon sa mga local na opisyal bilang suporta kay Presidente Arroyo na nahaharap sa sari-saring kontrobersya tulad ng ZTE broadband deal.
Ayon kay Antique Governor Sally Perez na bise presidente ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP), ang perang ibinigay sa ilang gobernador ay galing sa “special fund” ng organisasyon at hindi sa Malacañang.
Ang perang natanggap nina Pampanga Gov. Ed Panlilio at Bulacan Gov. Jonjon Mendoza ay “financial assistance” na ibinibigay sa mga bagong upong lokal na opisyal para sa kanilang proyektong panglalawigan, ani Perez.
Anang gobernadora, ang financial assistance ay mula sa mga pribadong sektor na ang layunin ay tulungan ang mga lokal na opisyal sa kanilang programa.
Ang mga kasapi sa pangunguna ni Perez ay nagkaisang humarap sa media sa isang press conference kahapon upang pasinungalingan ang maling balita at akusasyon na sinuhulan ang mga lokal na opisyal bilang kapalit ng kanilang suporta kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na ngayon ay nahaharap sa panibagong impeachment case.
Nagpahayag sila ng kanilang pagkadismaya sa sinabi nina Panlilio at Mendoza na sila ay binigyan ng Malacanang ng P500,000 sa hindi malamang dahilan.
“Ito ay iresponsableng pahayag na lalo lamang nagpapalala ng sitwasyong political sa halip na makatulong sa paglutas ng korupsiyon sa bansa,” ani Perez.
“Sa League galing ang pondo to help you as you embark on your journey as a new governor. This answers your confusion on this issue. Now with this in mind, you can issue the acknowledgement receipt to us,” ani Perez.
Idinagdag naman ng grupo na maging ang mga bagong provincial leaders ay makatatanggap din ng nasabing financial assistance at hindi lamang sina Panlilio at Mendoza, bilang bahagi ng special funds ng League of Provinces of the Philippines (LPP). (Rose Tesoro)