Empleyadong mawawalan ng trabaho tutulungan ng DOLE
Inihayag kahapon ni Labor and Employment Secretary Arturo Brion na hindi umano dapat na mawalan ng pag-asa at mangamba ang mga manggagawang na tanggal sa trabaho at mga kumpanyang nanganganib na magsara na. Ito’y dahil pinalawak na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang kanilang programa upang matulungan ang mga ito.
Ipinalabas ni Brion ang Department Order No. 85, series of 2007, upang palawakin ang DOLE adjustment measures program (AMP) upang maiwasan na mawalan ng trabaho ang mga manggagawa at tulungan ang mga natanggal na sa trabaho bunsod ng mga dahilang pang-ekonomiya, at mga kumpanyang nanganganib na magsara.
Sa ilalim ng nasabing programa, nagsasagawa ang ahensiya ng employment facilitation, locally at overseas, at livelihood assistance at iba pa, para sa mga mangagawang natanggal sa trabaho. Samantala, sa company o enterprise level naman, ang mga kumpanyang nanganganib na magsara ay tutulungan ng ahensiya sa pamamagitan ng pagbibigay ng training at learning sessions at iba pa upang maisalba ng mga ito ang kanilang negosyo. (Doris Franche)
- Latest
- Trending