Umaabot na sa 142 armas ang nakumpiska ng Philippine National Police (PNP) sa pagpapatupad ng pambansang “gun ban” kaugnay ng darating na Barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Sinabi ni Sr. Insp. Jay Agcaoili ng PNP Public Information Office, kabilang dito ang 47 matataas na kalibre ng baril at 95 mga handgun. Nakakumpiska rin ang pulisya ng limang pampasabog sa Mindanao mula nang mag-umpisa ang gun ban nitong Setyembre 29.
Inaasahan naman ni Agcaoili na tataas pa ang naturang bilang ng mga nakukumpiskang armas habang patuloy ang pag-init ng eleksyon partikular na sa mga lugar na itinuturing na “areas of concern” lalo na sa mga probinsya hanggang Nobyembre 13.
Idinagdag rin nito na lalo ngayong magbabantay ang pulisya sa paglalatag ng mga checkpoints at intelligence monitoring matapos na itaas ang “full alert status” ng PNP dahil sa naganap na pagpapasabog sa Glorietta mall sa Makati City. (Danilo Garcia)