Sa pulisya at hindi sa Senado dapat magpaliwanag si Sen. Antonio Trillanes kaugnay sa umano’y malisyoso nitong akusasyon na ang gobyerno raw ang nasa likod ng pagsabog sa Glorietta 2 sa Makati City.
Iginiit kahapon ni National Security Adviser Norberto Gonzales na wala siyang planong dumalo sa anumang ipapatawag na imbestigasyon ng Senado kaugnay sa Makati blast o kaugnay sa bintang ni Trillanes.
Ayon kay Gonzales, ang sinasabi ni Trillanes na Oplan Greenbase ay walang katotohanan at pekeng dokumento.
“Huwag siyang sa Senado mag-explain kundi sa pulisya, this is a crime matter and the police is tasked to probe his statement. Maybe the police will question him about his statement. Sana lang-mag-iingat siya sa mga sasabihin niya,” wika pa ng national security adviser.
Nilinaw pa ng kalihim, totoong military lamang ang mayroong C-4 bomb subalit nagawa din itong ipuslit noon ng Magdalo soldiers nang magsagawa sila ng Oakwood mutiny bukod sa battle ground sa Mindanao na posibleng nakukuha din ng mga rebelde sa labanan. (Rudy Andal)