Sa kabila ng pakikisimpatiya sa mga namatay sa pagsabog na naganap sa Glorietta Mall, tila hindi naman apektado ang ilang shoppers sa lungsod ng Maynila dahil punumpuno pa rin ito ng mga namimili at namamasyal.
Kahapon ay magkasamang naglibot sa mga malalaking malls sa Pasig, Quezon City at Maynila si PNP chief Director Avelino Razon Jr. kasama sina AFP Chief of Staff Gen. Hermogenes Esperon Jr. at NCRPO chief Geary Barias kung saan naobserbahan na marami pa rin ang pumapasok at namimili at kaswal pa rin na tila walang anumang nangyaring insidente sa Glorietta.
May 6,000 puwersa ng AFP at PNP ang ipapakalat sa Maynila para magbantay sa mga malls sa buong Metro Manila, LRT stations, simbahan, Pandacan oil depot at iba pang matataong lugar para magbantay.
Sa kanyang paglilibot ay namahagi si Razon ng kanyang calling card sa publiko para sa mabilis na pagre-report ng krimen. (Doris Franche)