‘Rajah Sulayman Movement’ inako ang Makati bombing
Isang grupo ng mga rebeldeng tinatawag na Rajah Sulayman Movement ang umamin na sila umano ang responsable sa pambobomba sa Glorietta sa Makati City kamakalawa na ikinamatay ng siyam na tao at ikinasugat ng marami pa.
Ito ang inihayag kahapon ng isang Ruben Omar Lavilla alyas Sheik Omar na nagpakilalang tagapagsalita ng RSM sa kanyang text message na ipinadala sa ABS-CBN News.
Kaugnay nito, hiniling ni Lavilla na palayain ang tagapagtatag ng RSM na si Hilarion del Rosario Santos alyas Ahmed Santos sa loob ng 24 oras dahil kung hindi, aatake silang muli sa mga pampublikong lugar at mahalagang mga instalasyon.
Ang RSM ay isang teroristang organisasyon na umano’y binubuo ng mga dating Kristiyanong lumipat sa relihiyong Islam at kumikilos sa Maynila at hilagang Luzon. Hinihinalang sila ang may kagagawan ng mga pambobomba sa kalakhang Maynila noong taong 2000 at 2004.
Sinabi pa niya na magpapatuloy ang Jihad (Holy War) laban sa mga Kristiyano kung hindi titigil ang militar sa pagpatay sa mga Muslim sa Mindanao.
“Nakalagay na ang aming mga target. Nasa militar na kung titignan ito sa mga malls, buses at mahahalagang instalasyon,” sabi pa ni Lavilla.
Inihayag naman ni National Security Adviser Norberto Gonzales na beberipikahin ng pamahalaan kung RSM ang responsable sa pambobomba sa Makati.
Si Lavilla na isang dating professor sa University of the Philippines ay itinuturing na religious, political at strategic leader ng RSM.
- Latest
- Trending