Pinayagan ng Sandiganbayan Special Division si dating Pangulong Joseph Estrada na ma-extend ng isa pang araw ang pamamalagi sa kanyang may sakit na ina sa pagamutan sa San Juan.
Ito ay makaraan naman dumalo si Estrada kahapon ng alas- 9 ng umaga sa oral arguments na ginagawa sa Sandiganbayan kaugnay ng kanyang apela na mabaliktad ang kanyang 40 taong jail sentence dahil sa kasong plunder
Wala namang naramdamang paghihigpit ng daloy ng trapiko sa kahabaan ng EDSA at Commonwealth Avenue kung saan dumaan ang convoy ni Estrada papuntang anti-graft court.
Bago ang pagdating ni Estrada sa Sandiganbayan, inihayag ng abogado nitong si Atty. Jose Flaminiano na ang panig ng depensa ay kumpiyansang mapapatunayan nilang si Erap ay hindi dapat na makulong kaugnay ng kasong plunder.
Kahapon, sa kanyang bahay sa number 1 Polk st. North Greenhills San Juan nanggaling si Estrada papuntang Sandiganbayan dahil dito siya natulog kamakalawa ng gabi, kauna-unahan ngayong taon.(Angie dela Cruz)