GMA pinagbibitiw ng mga Obispo
Resign now: Gloria!
Ito ang sigaw ng iba’t ibang samahan ng mga relihiyosong grupo, academe, justice at ng iba pang non-governmental organizations (NGOs) na humihiling na magbitiw sa lalong madaling panahon si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Bunsod na rin ito ng kinasasangkutang kontrobersiya ng administrasyong Arroyo at ilang gabinete nito kabilang ang ZTE deal, CyberEd project, North Rail project, China farm deal at ang isyung suhulan sa ilang local government units (LGUs).
Sa ginanap na pagpupulong kahapon sa Quezon City ng Kilusang Makabansang Ekonomiya (KME), umapela ang mga ito na dapat mag-isip si GMA at ng ibang opisyales ng pamahalaan na hindi palagiang magtatagumpay ang mga ito sa panloloko sa sambayanang Filipino sa lahat ng pagkakataon.
Sa nasabing pagpupulong na pinangunahan nina Caloocan City Bishop Deogracias Yniguez, Novaliches Bishop Antonio Tobias, Bishop Julio Zavier Labayen, Bishop Dan Balais, ng Philippine for Jesus Movement (PJM), Father Rudy Abao, Pastor Domeng Rivera, ng Jesus is Lord (JIL), dating Supreme Court Justice Santiago Kapunan, at Atty. Lorna Kapunan, nagkakaisa ang mga ito sa pahayag ng Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) na hindi lamang dumaranas ang bansa ng economic bankruptcy kung hindi maging moral bankruptcy.
Kaugnay na rin ito ng mga kontrobersiyang kinasasangkutan umano ng kasalukuyang administrasyon na ang pinakahuli ay ang suhulan issue sa mga gobernador at ilang alkalde sa bansa ng P.5M.
Sinabi ni Bishop Yniguez na marami pang kaparian ang kasama ng mga ito sa paglaban para sa maruming uri ng pamumuno ng kasalukuyang administrasyon kung saan marami pa ring mga iba’t ibang grupo ang nakatakdang magsama-sama para sa paglaban sa katiwalian. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending