Ipinaalaala kahapon ni Sen. Francis Escudero na naparakaming batas ang nilabag ng Malacañang sa pamumudmod ng pera sa mga congressmen at mga lokal na opisyal ng gob yerno at kabilang dito ang election ban na nagbabawal sa pamumudmod ng salapi.
“Election ban ngayon, bawal mamigay ng pera, bawal mamigay ng proyekto at panghuli siguro kung magkakaroon ng suhulan at bigayan bakit sa lahat ng lugar sa Malacañang pa”, sabi ni Escu dero.
Sinabi pa ni Escudero na ginawa nang “basurahan” ang respetong ibinibigay sa Malacañang dahil nagiging ordinaryong bagay na at gawain ang suhulan sa nasabing lugar kung saan nakaupo ang pinakamataas na opisyal ng bansa.
Ayon pa kay Escudero, kung matutuloy ang imbestigasyon ng Senado kaugnay sa sinasabing suhulan, dapat pa ring kilalanin ang inter-chamber courtesy kung saan hindi maaaring basta-basta na lamang ipatawag ang mga kongresistang umamin na nabigyan sila ng salapi na nakalagay sa isang paper bag. Hindi rin dapat gamitin ng Malacañang ang Executive Order 464 sakaling ipatawag si Medy Poblador na nasabit na naman ang pangalan sa bigayan ng salapi.
Sinabi pa ni Escudero na mahalagang mai-preserve ang sinasabing pera na ipinamudmod ng Malacañang dahil maa ari itong gamiting ebidensiya laban sa nagbigay nito.
Samantala, sa kabila nang pinaiiral na inter-parliamentary courtesy, hini kayat kahapon ni Sen. Panfilo Lacson ang mga kongresistang nakatanggap ng pera mula sa Malacañang na boluntaryong humarap sa gagawing imbestigasyon ng Senado patungkol sa umano’y suhulang naganap.
Aminado si Lacson na walang kapangyarihan ang Senado na i-compel ang mga Kongresista na dumalo sa imbestigasyon ng Kapulungan dahil sa inter-parliamentary courtesy, pero welcome aniya ang sinumang kongresista na nagnanais na mag bigay ng kanilang testimonya sa kontrobersiyang ito, positibo man o negatibo ang kanilang ilalahad sa pagdinig.
Maaari din naman umano sa halip na humarap sa pagdinig ay magbigay na lamang ng kani-kanilang sworn statement ang mga kongresista na dumalo sa Malacañang meeting noong Miyerkules. (Malou Escudero)