Pinangalanan kahapon ni Vice President Noli ‘Kabayan’ De Castro ang Quezon City bilang “richest local government unit” (LGU) sa bansa ngayon.
Naging tagapagsalita si De Castro sa awarding ng Quezon City’s top tax payers sa Crown Plaza kung saan binanggit niya na ang success story ng lungsod ay dahil sa magandang pamumuno ni Mayor Sonny Belmonte at epektibong tax collection.
Mula sa pagkakautang na P1 billion, sinabi ni De Castro na naging pinaka- financially independent LGU ang Quezon City sa ilalim ng pamamahala ni Mayor Belmonte.
“Bilang isa ring tagapaglingkod sa bayan, ako ay humahanga sa naging pag-unlad ng Lungsod dahil sa magandang pamamalakad ng mga pinuno nito. This city truly deserves a celebration,” sabi ni De Castro.
Dahil umano sa laki ng pondo ng lungsod, naging maayos din ang pagbibigay ng basic services at pagpapatayo ng mga infrastructures.
Aminado si De Castro na hindi madali ang problema kaugnay sa mga delingkuwenteng taxpayers at pangungumbinsi sa kanila na magbayad ng tamang buwis. (Malou Escudero)