P.5-M regalo ni GMA kay Panlilio
Kinumpirma ng da ting pari at ngayon ay gobernador ng Pampanga na si Eddie Panlilio na binigyan siya ng P500,000 cash gift ng isang ahente ng Malacañang.
Sinabi ni Panlilio sa isang panayam sa radio station dzMM na nakasuot pa ng barong tagalog ang naturang ahente nang lapitan siya habang papunta siya sa kanyang kotse.
Ayon kay Panlilio, iniabot sa kanya ng lalaki ang isang brown paper bag na naglalaman ng pera. Sinabi nito na malaya siyang gamitin ito sa darating na barangay elections at sa iba pang proyekto.
Sinabi pa ng gobernador na ginawa niya ang pagbubunyag alang-alang sa katapatan at transparency.
Nauna rito, ibinunyag ni Iloilo Vice Governor Rolex Suplico na nami gay ng P200,000 hanggang kalahating milyon ang Malacañang sa may 190 kongresista kapalit ng kanilang suporta para mailigtas si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa impeachment.
Iginiit ni Suplico na isinampa ng pribadong abogadong si Roel Pulido ang mahinang impeachment complaint para madiskaril ang totoong impeachment complaint na isasampa ng oposisyon laban sa Pangulo.
Nakatakda namang ipatawag ng Senado ang mga local government officials na sinasabing nakatanggap ng ‘suhol’ mula sa Malacañang nang dalawin nila ang Pangulong Arroyo kamakailan.
Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, isang resolusyon ang ihahain niya ngayon sa Senado upang magsagawa ng agarang imbestigasyon upang malaman kung saan galing ang ipinamigay na pera ng Malakanyang.
Bagaman sinabi ni Panlilio na ito’y tulong para sa mga barangay sa kanilang lalawigan, mahalagang maipaliwanag din sa taumbayan kung saan galing ang perang ipinamudmod ng Malakanyang.
Mariing itinanggi ng League of Provinces of the Philippines na nabigyan sila ng “cash gift” ng Pangulo matapos silang makipagpulong dito noong Huwebes sa Palasyo.
Sinabi ni League President at Gov. Leo Ocampos na walang katotohanan ang sinasabing binigyan sila ng cash gift ni Pangulong Arroyo nang makipagkita sila dito. (Rudy Andal)
- Latest
- Trending