Sumuko na kayo!
“Magsisuko na lang kayo!”
Ito ang panawagan ni Filipino boxing champion at bagong promote na si Philippine Army reservist Master Sergeant Manny “Pac man “Pacquiao sa mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) at Moro Islamic liberation Front (MILF) na target ng opensiba ng militar sa lalawigan ng Basilan at Sulu.
Sa panayam ng PSN, sinabi ni Pacquiao na sa halip umanong magmatigas ang mga bandidong Sayyaf at MILF at ipagpatuloy ang pakikipagbakbakan sa tropa ng militar ay mas makabubuting magsisuko na lamang ang mga ito upang maiwasan ang pagkalagas ng maraming buhay.
“Mas mabuti sumuko na lang sila, bago ma-knockout sa AFP,” ani Pacquaio.
Naniniwala ang boxing idol na para sa ikatatahimik ng Mindanao ay mas marapat na ibaba ng mga bandido ang kanilang mga armas at magbalik-loob sa pamahalaan sa halip na hintayin pang tuluyang malipol ang kanilang grupo.
Si Pacman bilang Army Reservist ay naghahanda na sa kaniyang planong pagbisita sa tropa ng militar sa Sulu at Basilan upang higit pang maiangat ang morale ng mga sundalo na labis na umiidolo sa sunud-sunod na tagumpay ng tinaguriang “pambansang kamao.”
Hindi umano natatakot si Pacman na tumapak sa balwarte ng Abu Sayyaf sa Sulu at Basilan, gayundin sa kuta ng MILF kung ito lang ang paraan para sila’y mapasuko.
“Hindi naman, bakit ako matatakot marami na akong nai-knockout sa boxing para matakot, saka pangarap ko talaga nung bata pa ako na maging sundalo,” sagot ni Pacquiao.
Iminungkahi pa ni Pacman na dapat tigilan na rin ng Abu Sayyaf ang paghahasik ng terorismo tulad ng pambobomba at pangingidnap dahilan hindi ito makabubuti sa imahe ng bansa gayundin ay makakaapekto ito sa ekonomiya.
Umaasa naman ang Malacañang na mahihikayat ni Pacquiao ang mga rebelde na magbalik loob na sa pamahalaan sa sandaling bumisita sa Mindanao ang pinakasikat na boksingero sa bansa upang pataasin ang morale ng mga sundalo.
Ayon kay Presidential Management of Staff head Cerge Remonde, hindi na magtataka ang Palasyo kung may mga rebeldeng sumuko sa gobyerno sa sandaling bumisita sa Mindanao si Pacquiao.
Sinabi pa ni Remonde na hinahangaan niya si Pacquiao dahil sa pagnanais nitong bisitahin ang mga tropa ng sundalo sa Mindanao kahit pa mapanganib para sa kanyang seguridad.
Ayon pa kay Remonde, talagang makikita kay Pacquiao ang matinding pagmamahal sa bayan at ikinatutuwa ito ng Malacañang.
Balak puntahan ni Pacquiao ang Sulu at Basilan sa susunod na buwan upang ipakita ang suporta sa military na patuloy na lumalaban sa mga terorista sa Mindanao.
Inilarawan pa ni Pacquiao sa isang “boxing match” ang pakikipaglaban ng mga sundalo sa mga kaaway ng gobyerno.
- Latest
- Trending