Nagsagawa ng mall tour ang Commission on Elections (Comelec) kahapon upang mas lalo pang mabigyan ng sapat na impormasyon ang mga botante kaugnay ng nalalapit na barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre 29.
Ayon kay Comelec spokesman James Jimenez, nagtungo sa mga shopping malls sa Eastern Metro Manila ang “public information teams” upang masagot ang ilang tanong ng mga botante na lalahok sa nalalapit na eleksiyon.
Kabilang sa mga pinuntahan ang Robinson’s malls sa Metro East at Cainta. Isusunod naman nila sa kanilang plano ang SM malls sa Lunes.
Sinabi ni Jimenez na naisip nila ang pagtungo sa mga malls dahil ito ang kadalasang puntahan at pasyalan ng maraming tao.Aniya, dito ay maaaring tanungin ng sinuman ang mga Comelec employee at opisyal ukol sa nalalapit na halalan.
Pinaalalahanan naman ni Jimenez ang mga kandidato na sumunod sa regulasyon ng Comelec upang hindi masayang ang kanilang pagod sa paggawa ng kanilang mga campaign materials. (Doris Franche)