Ihihirit ng transport groups ang P9.00 minimum na pasahe sa mga pampasaherong dyip sa buong bansa bunsod ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng krudo kamakailan.
Ito ang napagkasunduan sa isinagawang transport summit na pinangunahan ng 1-Utak at sinuportahan ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP), Allianced of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), Makati Jeepney Operators and Drivers Association (MJODA), Allianced of Concerned Transport Organization (ACTO), Pinangisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) at Pasang Masda.
Sinabi ni Atty. Vigor Mendoza ng 1Utak, matindi na ang epekto sa kanilang hanay ng patuloy na pagtaas ng halaga ng diesel at gasolina at pagtaas ng spare parts at bayarin sa mga ahensiya ng pamahalaan kaya marapat lamang na maitaas ang singil nila sa pasahe sa dyip.
Nilinaw ni Mendoza na aabutin ng P9.00 ang kanilang hihingiing fare increase dahil ihihirit nila ang P1.50 taas sa pasahe sa P7.50 minimum fare na hinihingi noon.
Sa kasalukuyan, nananatiling P7.00 ang minimum na pasahe sa jeep dahil binawasan ng LTFRB ng 50 sentimos ang dating P7.50 minimum fare noong December 2006 bilang pamaskong handog ng pamahalaan Arroyo sa mga commuters, pero hindi na ito naibalik sa P7.50.
Sinabi naman ni LTFRB Chairman Thompson Lantion na oras na matanggap ang petisyon hinggil dito ay agad itong aaksiyunan ng LTFRB board.