Lumalala na ang karamdaman ng 102 taong gulang na ina ni dating Pangulong Joseph Estrada na si Doña Mary Ejercito.
Ito ang kinumpirma kahapon ng kanyang duktor na si Dr. Lorenzo Hocson na nagsabing, sa isang buwang pagkakaratay ni Doña Mary sa San Juan Medical Center, hindi na rumeresponde ang katawan nito sa mga gamot at hindi na bumuti ang kalagayan nito sa nagdaang mga linggo.
Kaugnay nito, muling dinalaw kahapon ni Estrada si Doña Mary sa ospital at nanawagan siya sa publiko na ipagdasal na payagan siya ng Sandiganbayan na masilip ang kanyang ina nang mas matagal sa nalalabing mga sandali ng buhay nito.
Dahil sa edad ni Doña Mary ay hindi na nito kaya pa ang isa pang operasyon. ‘Mahirap kalaban ang edad at hindi niya kakayanin ang isa pang operasyon sa kalagayan niya ngayon,” dagdag pa ng doktor.
Inamin din ni Hocson na nitong mga nakaraang araw ay nahihirapan nang huminga ang matanda at tanging ang breathing machine lang katulad ng ventilator at windpipe ang tumutulong dito.
Bukod dito ay madalas na ring nilalagnat si Doña Mary kaya kinakailangan din ito ng antibiotic. (Edwin Balasa)