Lumalaki na umano ang bilang ng mga kongresistang mula sa administrasyon at opo sisyon na gusto nang sibakin sa puwesto si House Speaker Jose de Venecia.
Ayon kay Sorsogon Rep. Jose Solis, mula sa 30 ay marami pa ang nagpahayag ng kanilang suporta sa pagpapatalsik kay JDV at makikita ang puwersang ito sa darating na mga araw.
Lumalakas ang ugong ng “Oust JDV” sa Mababang Kapulungan matapos na pati ang tinaguriang Reform Bloc ay magpahayag umano na naniniwala ang grupo na kailangan na ng pagbabago ng liderato sa House of Representatives.
“Isang signal na lang ang kulang para tuluyan nang tanggalin si JDV sa kanyang kinauupuan,” pahayag ni Rep. Solis.
Ayon pa kay Solis, napag-uusapan ang pagtanggal kay de Venecia hindi lamang dahi sa multi-bilyong pisong National Broadband Network scandal na kinasasangkutan ng kanyang anak na si Joey de Venecia III, kundi dahil na rin sa mga repormang hindi maipatupad ni JDV sa Kamara.
Sinabi rin ni DILG Secretary Ronaldo Puno sa isang panayam na totoong “an oust JDV may be underway.”
Kinumpirma naman ni Solis na bukod sa mga kongresistang kasapi sa Reform Bloc ay mayroon ding mga mula sa oposisyon at administrasyon ang pumunta sa Malacañang kamakailan upang pag-usapan ang ukol sa JDV oust move.
Si Camarines Sur Rep. Luis Villafuerte naman ay nagpahayag na “delicadeza” ang kailangan ni JDV” at susuportahan niya ang leave of absence ng Speaker upang hindi ito makagambala at makaimpluwensiya sa mga kasong isinampa laban dito sa Ethics committee ng House.
Iginiit din ni Nueva Ecija Rep. Eduardo Joson na dapat na itong mag-resign.
“The Speaker should quit his post or take a leave of absence while ethics case versus him is being probed,” hamon ni Joson. “That would lend integrity to the investigation and an honorable thing for JDV to do.” (Butch Quejada)