Tinarayan kahapon ni Sen. Juan Ponce Enrile ang isang estudyanteng kumuha sa kanya ng larawan nang walang kaukulang permiso.
“Why are you taking picture? Who are you. Come here. You leave this room, you don’t have permission to take picture from me. My face is ugly enough. I don’t like to be picture,” sabi ni Enrile sa estudyanteng si Mark Jinel Galez, masscom student ng La Salle-Dasmarinas.
Namutla at mangiyak-ngiyak si Galez nang duruin ni Enrile at sitahin dahil sa ginagawa nitong pagkukuha ng larawan. Dahil sa matinding pagkapahya, lulugu-lugong lumabas si Galez ng C.M. Recto at J.P. Laurel Room kung saan ginaganap ang budget hearing ng Commission on Human Rights.
Ayon pa sa senador, kapag may nangyari umanong masama sa kanya dahil sa pagkuha ng litrato, mananagot ang pobreng Lasalista.
Pangkaraniwan na sa Senado ang pagdalaw ng iba’t ibang sektor ng lipunan, partikular na ang mga kabataang estudyante upang malaman kung anu-ano ang trabaho na ginagawa sa Senado. Pangkaraniwan na rin ang pagkuha ng lararawan ng mga miron kaya nagulat ang lahat nang magalit si Enrile sa naturang estudyante dahil lamang sa pagkuha nito ng litrato. (Malou Escudero)