Mistulang napahiya ang Malacanang matapos dedmahin ng Senado ang inihain nitong “urgent bill” na humihiling na ipagpaliban ang halalan ng Barangay at Sangguniang Kabataan ngayong Oktubre 29.
Ayon kay Senate President Manny Villar, wala nang tsansa pang makalusot ang panukala dahil sa posibleng mahirapan na ang Senado na makakuha ng sapat na bilang ng senador para makabuo ng quorum sa susunod na linggo.
Ang Kongreso ay magre-recess sa darating na Oktubre 13 at magre-resume ito sa darating na Nobyembre 5.
Sa nalalabing tatlong araw na sesyon bago ang recess ng Kongreso, po sibleng hindi na ito matalakay sa Senado dahil karamihan sa mga Senador ay magtutungo sa Geneva, Switzerland sa Lunes para dumalo sa Inter-Parliamentary Conference (IPU) na taunang ginaganap at dinadaluhan ng mga mambabatas sa iba’t-ibang bansa.
Nagkakaisa rin ang mga Senador na dapat lamang na matuloy ang nakatakdang eleksyon ngayong buwan dahil “overstaying” na ang mga opisyal ng iba’t ibang barangay sa bansa.
Wika naman ni Comelec acting Chairman Resurreccion Borra na tuloy ang halalan sa darating na Oktubre 29 hanggat wala pang batas na naaaprubahan ang dalawang kapulungan ng Kongreso para ipagpaliban ito.
Bagaman at inaprubahan na sa House of Representatives ang “urgent” bill ni Pangulong Arroyo, hindi pa naman ito lumulusot sa Senado kaya hindi pa maituturing na isang batas.
Maaari lamang aniya ang postponement ng eleksyon kung aprubado na sa House at Senate ang nais ng Palasyo na ipagpaliban ang kambal na halalan. (Malou Escudero)