Mariing kinondena kahapon ni Sen. Rodolfo Biazon ang pagpapalabas ng Administrative Order 197 o panibagong “gag order” ng Malakanyang dahil depensa umano ito ng administrasyon para mapagtakpan ang maling ginagawa ng mga government officials kasama ang mga military at pulis.
“Latest admin order 197 on protection of military secrets same dog different collar as EO464, Memo Circular 108 in invoking of executive privilege - another attempt by admin to cover wrongdoings of government officials,” sabi ni Biazon sa isang text message.
Ayon pa kay Biazon, kabilang sa nais na pagtakpan ang mga kontrobersiyal na usapin gaya ng political killings, Garci wiretapping at ZTE-NBN deal.
Sigurado aniyang isa lamang itong paraan ng Palasyo para mapigilan at huwag padaluhin ang mga militar at police officials lalo na sa ginagawang imbestigasyon sa Senado.
Bunsod nito, hiniling ni Biazon sa Malakanyang ang kopya ng AO 197 na ang layunin umano ay protektahan ang military secrets. Ipinagbabawal sa nasabing “gag-o” na isiwalat ang mga sikreto ng militar.
At bilang chairman aniya ng committee on national defense and security, katungkulan lamang niya na mabatid ang nilalaman ng nasabing kautusan at mabatid din kung ano ang saklaw ng confidentiality o secrecy of matters na nakakaapekto sa national security.
Matatandaan na bago ang AO 197, ipinalabas ng Malacanang ang EO 464 kung saan kailangan pang pagpaalam kay Pangulong Arroyo ang mga opisyal at empleyado ng executive branch kabilang na ang militar bago makadalo sa anumang imbestigasyon ng Senado at Kongreso.
Nilinaw naman kahapon ni Press Secretary Ignacio Bunye na hindi gag order ang ipinalabas ng Palasyo.
Sinabi ni Sec. Bunye, ang AO 197 ay upang proteksyunan ang military secrets na masyadong sensitibo at hindi upang patahimikin ang military o huwag payagang dumalo sa anumang congressional hearings.