‘Kasambahay Bill’ pasado na sa Senado
Ipinasa na ng Senado sa ikalawang pagbasa ang panukalang “Magna Carta for Household Helpers” na gagarantiya na mabibigyan ng makatao at maayos na working conditions ang mga kasambahay o mga ‘katulong’.
Kung ganap na magiging batas, hindi na maaaring magtrabaho ang mga kasambahay ng walang kontrata sa pagitan nila at ng kanilang employers,
Dapat nakapaloob sa kontrata ang “specific job terms” at mga kondisyon, kabilang na ang probisyon para sa annual increase kung saan dapat nakalagay kung magkano ang itataas ng sahod ng kasambahay.
Nakasaad din sa ipinasang panukala na mabigyan ng 13th month pay na katumbas ng kanyang buwanang sahod ang isang kasambahay at dapat din itong maging miyembro ng Philippine Health Insurance Corp. (Philhealth).
Dapat ding maging miyembro ng Social Security System (SSS) ang isang kasambahay upang magkaroon ito ng proteksiyon sakaling maaksidente o mawalan ng kakayahang magtrabaho.
Hindi rin dapat lumampas ng 10 oras bawat araw ang trabaho ng mga househelpers at kung lalampas sa 10 oras, dapat silang bigyan ng extra pay.
Nakapaloob din sa panukala ang pagbibigay ng walong oras na pahinga o rest day maliban pa ang hiwalay na oras para sa pagkain ng agahan o breakfast, pananghalian, at hapunan.
Hindi rin dapat magtrabaho ng mahigit sa anim na “consecutive days” sa bawat linggo ang mga kasambahay. Bibigyan din ang mga ito ng 14 araw na annual vacation leave na may bayad. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending