Pinoy doctors nilait sa TV show sa Amerika

Pinagpapaliwanag ni Health Secretary Francisco Duque III ang producers ng TV series na “Desperate Housewives” matapos umanong insultuhin ng  palabas sa pamamagitan ng dialogue ng isang artista dito, ang medical schools sa bansa.

Ayon kay Duque, lumabas sa dialogue ng Hollywood actress na si Teri Hatcher (Susan Mayer sa Desperate Housewives Season 4) ang linyang ,“Can I check those diplomas ‘coz I just want to make sure that they’re not from some med school in the Philippines.”

Sinabi ni Duque na binitiwan ni Hatcher ang kanyang dialogue habang inieksamin siya ng isang doktor at hiningi nito ang credentials ng huli. Aniya ang nasabing episode ay nasa YouTube.com at nakakuha ng mga pagbatikos mula sa Filipino community.

Ani Duque, malaki ang epekto sa imahe ng Filipino doctors sa international community ang nasabing palabas kaya marapat lamang na magpaliwanag ang producers ng Desperates Housewives. Maituturing na isang iresponsable at walang basehan ang inilagay na dialogue.

Ipinaliwanag naman ni Philippine Medical Association (PMA) president Dr. Jose Sabili sa programang “Umagang Kay Ganda” na hihilingin niya sa kanyang counterpart sa US na magpaliwanag sa isyu dahil maraming doktor na nagtapos sa Pilipinas ang ma­ituturing na magagaling.

“I will meet with the president of the American Medical Association to air our feelings and ask them to tell [the producers of the TV show] that they should not insult doctors in the country,” ani Sabili.

Pag-aaralan din umano nila ang posibleng dahilan ng pang-iinsulto sa medical schools sa bansa. Aniya, posibleng isa mga dahilan nito ay ang “diploma mills” at negatibong write ups tungkol sa mga medical schools.

Pagtutuunan nila umano ito ng pansin dahil lubha itong nakasisira sa reputasyon ng mga Filipino doctors.

Samantala, iginiit ng Malacañang na dapat lamang humingi ng public apology ang producer ng Desperate Housewives gayundin ang aktres na si Hatcher dahil sa “panlalait” sa mga Filipino doctors sa kanilang show. 

Pinaalala ni Ermita na isang Filipina ang tinanghal na “one of the best nurses” ngayon sa Estados Unidos. (Doris Franche/Rudy Andal)

Show comments