Iginiit kahapon ng Malacañang na ang kinansela ni Pangulong Arroyo ay ang deal sa ZTE Corp. at hindi ang National Broadband Network (NBN) project.
Sinabi ni Executive Secretary Eduardo Ermita, posibleng ituloy pa rin ng gobyerno ang NBN project subalit hindi na sa ZTE Corp. kundi sa ibang bansa na pwedeng magpautang sa atin ng pondo para sa nasabing proyekto.
“The higher objective set for undertaking such a project, kung hindi man ZTE, siguro makahahanap ng pamamaraan na similar project na ma-achieve ‘yang objective na ‘yan,” paliwanag pa ni Ermita.
Aniya, ipinauubaya na lamang ng Malacanang sa tanggapan ng Ombudsman ang pag-iimbestiga hinggil sa sinasabing “suhulan” sa $329 milyong NBN-ZTE contract.
Nilinaw pa ni Ermita na tanging ang ZTE contract para sa NBN project ang tuluyang kinansela ng Pangulo subalit hindi ang P26 bilyong Cyber Education project ng Department of Education na nakatakdang pondohan din ng Chinese government.
Magugunita na tuluyang kinansela ni Pangulong Arroyo ang kontrata ng ZTE Corp. para sa NBN project matapos itong makipagpulong kay Chinese President Hu Jintao kamakalawa sa Shanghai, China. (Rudy Andal)