Walang balak si Pangulong Arroyo na magtalaga ng magiging kapalit ng nagbitiw na si Comelec chairman Benjamin Abalos.
Sinabi ni Executive Secretary Eduardo Ermita, ang payo ng mga legal advisers ng Malacañang kay Pangulong Arroyo ay mas makakabuting maglagay na lamang ng magiging kapalit ni Abalos sa Pebrero 2008.
Aniya, kung maglalagay ngayon si PGMA ng kapalit ni Abalos ay magsisilbi lamang ito ng ilang buwan dahil tatapusin lamang nito ang nalalabing termino ng nagbitiw na Comelec chairman.
Wika pa ni Ermita, sa ilalim din ng ating Konstitusyon ay hindi maaaring magtalaga sa ngayon ang Pangulo ng magiging kapalit ni Abalos sa Comelec dahil nasa sesyon pa ang Kongreso at maaari lamang siyang magtalaga ng papalit kay Abalos kapag nag-recess na ang Kongreso.
Sa ngayon kasi ay lima pa naman ang natitirang commissioners ng Comelec kahit nagbitiw si Abalos kaya mayroon naman silang quorum, paliwanag pa ng executive secretary.
Sa Pebrero 2008 ay aabot na sa apat na miyembro ng Comelec ang dapat italaga ng Pangulo dahil nakatakdang magretiro si Commissioner Resurrecion Borra na acting chairman ngayon. (Rudy Andal)